Roma Francisco's profile

Dalawa Kami ni Lola

Dalawa Kami ni Lola
ni Genaro R. Gojo Cruz


Simula’t simula, kasama ko na si Lola.
     Dalawa kaming nag-aalmusal.
     Dalawa kaming naliligo ng maligamgam na tubig.
     Dalawa kaming nagtatanghalian.
     Dalawa kaming umiidlip sa tanghali.
     Dalawa kaming nagmemeryenda sa hapon.
     Dalawa kaming naglalaro sa hardin.
     Dalawa kaming umiinom ng gatas bago matulog sa gabi.
     Dalawa kaming nahihimbing sa pagtulog.

     Dalawa kaming inaalagaan ni Mama

Pero sa araw-araw, ang daming hindi na alam na gawin si Lola.
     Hindi na niya kayang hawakan ang kutsara para kainin ang lugaw.
     “Anak, kumain ka nang mag-isa, susubuan ko na lang ang iyong Lola,” sabi ni Nanay.

     Hinihipan-hipan ko ang mainit na lugaw.
     Maraming-maraming ihip ang ginawa ko bago isubo ang lugaw.
     Nabalatan ko na ring mag-isa ang nilagang itlog.
     Kaya ko na talagang kumain mag-isa!

     Hindi na kayang hawakan ni Lola ang tabo sa paliligo. 
     “Anak, kaya mo nang maligo mag-isa, paliliguan ko na lang ang iyong Lola,” sabi ni Nanay.
     Inilagay ko sa timba ang aking mga kamay. Tamang-tama ang init ng tubig.
     Nagbuhos ako ng tubig. Nag-shampoo. Nagkuskos ng katawan gamit ang maliit na bimbo.

Nagkuskos ako nang nagkuskos nang kuskos ng mukha, katawan, kilikili, likod, binti, paa at lahat ng
bahagi ng aking katawan na abot ko. Tapos nagbuhos ako nang nagbuhos nang nagbuhos ng tubig. 
     Kaya ko na talagang maligong mag-isa! Nagbihis na rin ako ng damit mag-isa.


Hindi na pansin ni Lola ang masarap na tinola ni Nanay. Wala na uli siyang gana sa masarap naming tanghalian. 
     “Anak, kaya mo ng kumain ng tinolang manok nang mag-isa, ipaghihimay ko na lang muna ang iyong Lola,” sabi ni Nanay.​​​​​​​

     Hinipan-hipan ko uli ang mainit na sabaw ng tinola sa maliit na mangkok.
     Maraming-maraming ihip ang ginawa ko. Humigop ako ng sabaw.
     Kumuha ako ng manok. Naghimay nang naghimay nang naghimay at saka ko inibabaw sa
kanin. Naglawa sa sabaw ang aking maliit na plato.
     Kaya ko na talagang kumain ng may sabaw na ulam!

     Masyado nang matagal kung umidlip si Lola. Dati naman, sabay kaming magising.
     “Anak, handa na ang meryendang turon sa mesa, babantayan ko na lang muna ang iyong
Lola. Kailangan kasi siyang painumin ng gamot pagkagising,” sabi ni Nanay.
​​​​​​​
     Mag-isa na lang akong nagmeryenda ng turon.
     Babalik pa kaya sa dati si Lola? Para kasing lalo siyang humihina sa araw-araw na pag-idlip
sa tanghali.

     Mag-isa akong naglaro sa hardin.
     Dati si Lola ang sumasalo ng aking inihahagis na bola.
     Dati si Lola ang nagbibigay sa akin ng mga tamang kulay ng krayola para sa kinukulayan
kong koloring buk.
     Dati nakapagdidilig pa kami ng kaniyang mga tanim na halaman na hinding-hindi
nawawalan ng mga bulaklak.
     Siya rin ang kumukuha ng mga halaman kapag may mga kapitbahay na gustong humingi.
     “Heto, paramihin mo itong daisy ko, kapag nabuhay at dumami, bigyan mo rin ang mga
gustong humingi,” sabi ni Lola sa isa niyang kaibigan na mahilig din sa mga halaman. 
     Dati naisasama pa namin ni Mama si Lola sa pagsisimba sa Bayan at sa pamimili sa
palengke.
     Ang daming kilala ni Lola sa palengke.
     Ang kamay niya, alam kung alin ang matamis na mangga, pakwan, melon, lansones,
rambutan at iba pa.
     Alam na alam niya kung saang tindahan makatatawad o makabibili nang mura.
     “Uy suki, isang kilo nga nitong matamis mong lansones,” hiling ni Lola sa tindera.
     “Di mo ba titikman muna?” tanong ng tindera.
     “Naku, hindi na, isang tingin ko pa lang, alam kong matamis ang lansones mo,” sagot ni Lola.
     Binigyan ako ng tatlong piraso ng lansones ng tindera para tikman.
     
Aba matamis nga!

     “Oyen, kapag umuwi na ang iyong Tito Adolfo galing Amerika, mamasyal tayo sa Batangas,
ipapasyal kita. Doon lumaki ang iyong Mama at Tito,” natatandaan kong sinabi ni Lola sa akin isang
hapon.

     Hindi na naubos ni Lola ang kaniyang gatas. Wala pa sa kalahati ng baso ang kaniyang
nainom.
     “’Ma, lalakas pa ba si Lola?” tanong ko matapos ubusin ang isang basong gatas ko.
     “Oo Oyen, basta ituloy mo lang ang mga kaya mo nang gawin nang mag-isa para lalo kong
maalagaan ang iyong Lola,” sagot ni Mama.
     Bago matulog, naririnig ko ang munting hilik ni Lola.

     Pagdating ng almusal, mainit-init na tsamporado ang iniluto ni Mama.
     “Oyen, kain na, susubuan ko pa ang iyong Lola,” aya ni Mama.

     Gumawa ako ng bilog sa paglalagay malabnaw na gatas sa aking tramporado sa mangkok.
     Maraming-maraming ihip ang ginawa ko bago isubo ang tsamporado.
     Kaya ko na talagang kumain mag-isa!
     Binilisan ko ang pagkain kasi gusto kong tulungan si Mama sa pagpapakain kay Lola.

     Nagsalin ako ng tubig sa baso para kay Lola.
     Kumuha ako ng maliit na tuwalya na inilagay ko sa dibdib ni Lola para di malagyan ng
tsamporado ang damit niya.
     Kumuha ako ng tisyu paper para punasan ang gilid ng bibig niya.

     “Salamat Oyen, mahal kong apo,” narinig kong sinabi ni Lola.
     Kay tagal ko na rin palang di naririnig ang boses ni Lola.

     Pakiramdam ko, kaya-kaya ko na ring alagaan si Lola.
     Mula ngayon, dalawa na kami ni Mama na mag-aalaga sa kaniya.
Dalawa Kami ni Lola
Published:

Dalawa Kami ni Lola

Watercolor illustrations based on the story 'Dalawa Kami ni Lola' by Genaro Gojo Cruz and submission to Ang Ilustrador ng Kabataan or AngINK.

Published: